"Minsan, okay lang maligaw para malaman mo na hindi lahat ng daang nais mong tahakin ay tama. (Sometimes, it is okay to get lost to realize that not all the path you want to take are right.)"
Madalas kapag may spare time ako, isa sa mga ginagawa ko ang mag-road trip. Hindi naman madalas, pero mas nakakapag-isip ako kapag gumagala kesa nag-i-stay sa isang lugar at nagmumukmok.
Kanina, may spare time ako at nais ko talagang pumunta sa kung saan man. Iniisip ko kung saan nang may nag-text sa akin at pinapapunta ako sa Quiapo. "Ayos to," sabi ko sa sarili ko. Ayos kasi hindi pa talaga ako nakakagala sa Quiapo. Ang alam ko lang ay ang Quiapo Church pero yung pasikot-sikot dun, hindi pa. Kaya nagmadali akong ayusin ang gamit ko paalis ng school para bumyahe at tumungo dun. Ang alam kong daan ay yung sa Quezon Avenue kung saan malaki ang posibilidad na ma-traffic ako. Buti na lang, may isa akong co-teacher na nakasabay paalis ng school at nagsabing puede akong mag-LRT papunta. May isang station lang ako na bababaan, tapos sasakay ng jeep o tricycle papunta sa Isetann. Agad kong tinext yung kaibigan ko na nagyaya sa akin. "Papunta na ako," sabi ko. Nang nasa LRT na ako, bigla siyang nag-text na may kasama na raw siya at wag na lang daw akong pumunta kasi nakakahiya. "Okay." sabi ko.
Inisip ko kung bababa na lang ako sa isang station at bumalik sa Muñoz para umuwi. Pero, naisip ko, sayang yung binayad ko kaya pinagpatuloy ko. Pagdating ko sa Carriedo Station, sinubukan kong maglibot-libot. Hanggang sa naisip ko na pumunta na lang sa Divisoria para bumili ng kailangan ko. Mula Carriedo, sa totoo hindi ko talaga alam kung paano pumunta sa Divisoria, buti na lang may mga napagtanungan ako. At nakarating na ako sa Divisoria, medyo nag-ikot ikot dun. Binili ang dapat bilhin at tumingin tingin ng iba pang gamit. Naalala ko, hindi ko masyadong kabisado ang lugar na iyon, at gabi na ako natapos sa pag-iikot. Dali dali akong lumabas ng Tutuban Center at hinanap ang daan pauwi. Sinundan ko lang ang agos ng mga tao. Minsan hindi rin pala maganda iyon. Sa hindi ko malaman na dahilan, nakarating na pala ako sa Tondo, Manila, bandang Binondo ata. Ligaw na ako, sa isip ko. Iniisip ko kung sasakay na ako ng kahit anong jeep at magpababa na lang sa kung saang malapit na sakayan pauwi. Pero, hindi ko iyun ginawa. Naglakad lakad pa ako at nagpakaligaw hanggang sa marating ako ang Sto. Niño Parish. Doon ko iniisip na magpahati na lang sa isang pedicab driver sa lugar kung saan ako puede sumakay pauwi.
Nagahap ako ng batang driver para puede ko siyang tanungin ng tanungin tungkol sa lugar na iyon, at para mas komportable ang byahe. Sa totoo kasi, takot ako sa mga matatandang drayber ng pedicab o tricycle lalo kapag hindi ko alam ang lugar. Medyo naging mahaba ang byahe namin nang maisip kong medyo usisain ang buhay nya. Naa-amaze kasi ako sa mga ganung trabaho dahil, una mabigat iyon at pangalawa nakakapagod. Nalaman ko na mas matanda pa ako sa kanya at mas bata siyang nagsimulang magtrabaho kesa sa akin. Matagal na rin siyang nagpi-pedicab at ginagawa nya iyon para makatulong sa mga magulang nya.
Nang narinig ko iyon, para bang may kurot sa dibdib ko. Pakuwari'y may kung anong hindi ko maisip ang tumama sa akin. Naalala ko yung na-realize ko sa loob ng simbahang pang-Katoliko nung araw ring iyon. Marami akong naisip. Isa na sa mga iyon ang "reklamo" ko na sa aming magkakapatid, ako pa lang ang nakaranas na magtrabaho habang nag-aaral. Isa pa ay ang hindi matapos tapos na usapin tungkol sa pagtulong sa magulang. Oo, tumutulong ako pero hindi ata iyon ang inaasahan nila sa akin. Parang kulang pa. At dahil dun, medyo nagri-reklamo ako.
Sa maikling pag-uusap namin, na-realize ko na mapalad nga ako na nakatapos ng pag-aaral at nagkaroon ng trabaho na hindi kinakailangan ng labis na pagpapakapagod kapalit ng kakaunting barya. Na-realize ko na hindi hadlang ang katayuan sa buhay para mabuhay.
Nang dumating kami sa sasakyan ko, nagpasalamat ako sa kanyang kwento dahil marami akong natutunan tungkol sa Tondo, sa buhay-Tondo, sa pagpi-pedicab at sa hirap na dulot nito, sa buhay. Nagpasalamat din ako sa paghatid nya sa akin. Nagbayad ako ng higit pa sa siningil nya dahil ramdam ko ang pagod nya.
Sa pag-uwi ko sa bahay, na-realize ko na sa pagkaligaw, marami kang matututunan. Kaya, imbes na mainis, nagpapasalamat pa rin ako sa kaibigan ko na nagyaya at biglang nag-bawi ng paanyaya sa akin na samahan siya. Kung hindi dahil sa kanya, hindi ako makakapunta sa Carriedo; kung hindi dahil sa kanya, hindi ako maliligaw sa Tondo.